Sunday, 11 November 2018

ECE BOARD EXAM STORY

Share ko lang yung short story ng buhay ko at yung mga hirap na pinagdaanan ko bago ko maabot yung isa sa mga pinaka-pangarap ko. Iyon ay ang maipasa ang board exam sa BS ECE nitong October 2018.

BS ELECTRONICS ENGINEERING. Hindi talaga ito yung first choice ko. Dahil nung bata pa ako, pangarap ko na maging isang CIVIL ENGINEER. Isang taon magmula nung ako ay nakatapos sa high-school ay nagpasya na akong mag-aral ng college at naghanap ng school na mapapasukan. Hanggang sa napadpad ako sa AMA Olongapo College at ako ay ng inquire kung meron ba silang kursong CE, ngunit sa kasamaang palad ay wala. Nalungkot ako dahil gusto ko talagang maging isang ganap na CE. Meron lang daw silang COE at ECE, agad kong tinanong kung meron bang board exam ang ECE dahil sa simula pa lang ay parang may gusto akong mapatunayan sa aking sarili at malakas na ang loob ko na parang gusto ko ng challenge. Meron rin namang CE dito sa mga ibang school sa aming lugar ang kaso ay masyado itong malayo, samantalang walking distance lamang ako sa AMA. Hindi na bale at second option ko naman ay ang mapunta sa kahit anong kursong related sa field ng engineering. Nakakuha ako ng half scholarship ngunit matapos ang dalawang semester, ako ay nahinto muli sa pag-aaral ng dalawang taon. Kinailangan ko nang mag-trabaho para magkaroon ng ipon upang makapag patuloy sa aking pag-aaral. Hanggang sa nakapagtrabaho ako sa isang manufacturing company bilang isang spray painter at na promote ako sa ilang posisyon bago naging team leader. Nang makaipon ng ka onte ay agad akong nagpasyang magpatuloy ng aking pagaaral habang ako ay ng tatrabaho. Kaya nag-palipat ako ng night shift at sa araw naman ako ay pumapasok sa school. Dun ko sa work nakilala ang aking naging may-bahay at makalipas ang ilang taon ay nagpasya na kaming bumukod sa aming mga pamilya at nagsimulang magsama. Ilang sandali pa ang lumipas ay lumipat ako ng aking trabaho sa isang istasyon ng TV at Radyo na pinag OJT-han ko sa tapat lamang ng aking school. Mapalad ako at nakahanap pa ako ng ibat-ibang trabaho sa internet, bilang isang writer, data encoder at call reviewer ng mga land-line calls sa USA habang nasa bahay lamang. Dollar rin ang sahod kaya ng makaluwag ay nagpasya na akong I-full time ang pagttrabaho online at agad kong pinatigil ang aking misis sa kanyang pagtatrabaho. Hanggang sa kami ay pinagkalooban ng isang anak na babae. Ako ay naging isang ganap na padre de pamilya at bread winner ng aking sariling pamilya. Ngunit nagpatuloy parin ako sa aking pagttrabaho at pagaaral at hindi nagtagal ay dumating na ang araw na pinakahihintay ko. Sa wakas ay kinaya ko at nakapagtapos ako ng college sa kursong BS ECE. Sa simula pa lang ay alam ko sa sarili ko na makakapag tapos ako at hinding hindi ko isusuko ang isa sa aking mga pangarap, sa kabila ng hirap at mga pasakit na dinanas ko. Iba talaga ang pakiramdam kapag nakuha mo ang bagay na gusto at pangarap mo, lalo na kung pinaghirapan mo ito. Malaking bagay para sa akin ang makapagtapos, dahil naniniwalang akong ang edukasyon ay isa sa pinakamabisang daan at sandata para mapagtagumpay ang mga hamon ng buhay sa hinaharap.

Sa kabila nito ay patuloy akong nagtrabaho sa aking trabaho online at pinagpatuloy ang buhay na aking na simulan sa piling ang aking pamilya. Hanggang sa pumasok sa isipan ko na hindi na ako mag aabroad o mag boboard exam dahil stable naman ang naging buhay namin nang ilang taon sa aking pag tatrabaho. Naniwala ako na sa kahit ano mang larangan ng trabaho o profession ay maaring makapagkamit ng halos magkasingpantay na pag-unlad gamit lamang ang sariling kaalaman at sariling pamamaraan. Sinabi ko pa sa sarili ko na hindi ko naman talaga kailangan yung lisensya, dahil kagaya ng sabi ng iba, na hindi naman daw ito yung magdidikta ng magiging buhay natin sa hinaharap at bonus na lang daw iyon kumbaga. Ngunit pumasok pa rin sa aking isipan na parang may kulang. Ito yung time na parang naghahanap ka pa ng fulfillment para sa sarili mo at parang hindi ka talaga kuntento, dahil alam mong meron ka pang iniwang laban at meron ka pang dapat gawin. Alam kong iyon ay ang ipagpatuloy yung isa sa aking mga pangarap. Dahil pakiramdam ko sa sarili ko ay mababale wala na lang yung mga sakripisyo, mga paghihirap at oras ko nung nag aaral pa lamang ako mula nung grade one hanggang sa college, lalo na kung kakalimutan ko lang rin naman ang lahat. Kaya pilit kong gising ulit yung sarili ko, pinilit na magmotivate at pinilit kong maghanap ng dahilan kung bakit ko kailangan magtake ng board exam. Dahil bakit ka naman magtatake exam kung napipilitan ka lang, dapat alam mo sa sarili mo na gustong gusto mo talagang mag take at makapasa. Dapat sa simula pa lang ay buo na yung loob mo, lalo na yung mindset mo. Ito kasi yung pinaka crucial at pinaka importanteng bagay na dapat mong taglayin bago ka pa magpasya kung mag tatake ka ng board exam.

Nung nakapagpasya na ako na magtatake na ako ng board exam ay agad akong nag plano na  mag self review. Sobrang lakas ng loob ko noon at wala talaga akong balak mag review center, kaya nagpabili na lang ako ng mga books para mareview dun sa classmate ko na nasa Manila at nag download ng mga PDF na books. Pagkatapos ko magtrabaho sa gabi ay nagrereview naman ako sa umaga. Ilang buwan na lang at malapit na ang board exam. Nagpunta ako sa school ko para asikasuhin ung TOR ko. Ngunit sa kasamaang palad ay hindi pa pala ito tapos at medyo matagal pa naman ang pag proseso nito , lalo sa school naming. Yung TOR ay ang isa sa pinaka importanteng dapat nyo agad ayusin kung may balak kayong mag take, dahil kapag nagkaproblema ito ay hinding hindi kau makakapagfile at masasayang ang oras nyo. Dahil dun ay hindi ako nakapag file para sa darating na board exam. Sinabi ko sa sarili ko na sa susunod na lang ako mag tatake ng board exam. Hanggang  sa pumasa ang isa kong classmate at sinabi nya sa akin na maganda raw mag review center at sobrang dami ko daw matututunan. Kaya pinag-isipan ko itong mabuti at dahil sa gusto kong makapasa ng isang take, at mabawasan ang kaba ay nagpasya akong pumasok sa review center. Humingi ako ng tulong sa aking tatay para tulungan ako sa pinansyal, dahil ilang buwan din akong magfufull time review sa review sa review center sa Manila, lalo at ako ang bread winner ng aking sariling pamilya at mag uupa pa ako ng matutuluyan ko sa Manila. Naghanap ako ng sariling kwarto at nakakita ako sa Sampaloc, Manila. Pinili ko yung solo ko lang para makapag review ako ng tahimik at ng tuloy tuloy. Isang buwan nang nagsimula ang batch 1 sa Excel Review Center, kaya kinuha ko ung batch 2 kasi ung review ay 4.5 months lang at yung araw ng klase ay from Monday to Friday, kaya mas mabilis onte ang approach dito. Tuwing Saturday at Sunday naman ay umuuwi ako sa aming bahay sa Olongapo at balik sa Manila ng Sunday ng gabi or Monday ng medaling araw.

First day ng review. Si Sir Maniacop yung ng orient at unang ng klase samin. Matindi tindi ng humor ng taong to, sobrang husay magturo ng ELECS, mahusay rin mag patawa at syempre magaling magderive ng mga formula at sa mga concepts. Kaya sasakit yung panga nyo kakatawa habang nagkaklase siya. Next day of class naman ay sir JJ yung idol sa GEAS, medyo seryoso magturo to at marami ang ilag umupo sa harap pag siya ang nagklase, kasi tatanungin ka muna kung taga saang school ka bago mo ibigay yung sagot mo, syempre hindi mo rin naman alam lahat ng sagot at may mga time talaga na wala ka maisasagot, kaya kung ayaw mo mapressure sa kanya ay sa bandang gitna o duluhan ka umupo. Hanggang sa mga sumunod na araw naman ay yung klase ni Sir Polintan at ang nag subject ulit ay ELECS rin, siya naman yung master sa mga mnemonics na sadyang kaka iba, pero talagang tatak na sa utak mo at yung tipong hindi mo na makakalimutan ng panghabang buhay. Sa Excel inuuna muna nila tapusin lahat ng ELECS, GEAS, MATH at pinaka last naman yung EST kasi more on concepts at basa lang naman dito, at konti ang problem solving ng EST. Hati hati yung mga programs ng Excel, nauuna lahat ng lectures sa first few months. Meron rin silang nationwide pre-board exam sa second half ng review, practice exam lang ito at open sa lahat ng magtatake ng board exam kahit saang review center, pero yung set up ay halos kagaya ng nasa mismong araw ng board exam. Pagtapos ng pre-board exam ay ung refresher session, dito ay magsasagot ng maraming problems yung instructor nyo sa board, usually mga 30 to 50 questions per session. At yung pinaka final month before the board exam ay ang coaching, kung saan magbabasa lang kayo ng sobrang daming mga notes at meron ring part na magbabasa kayo ng sobrang daming question and answer sa screen, na siguro ay aabot ng more or less 500 Q and A per session. Yung part ng coaching ay sobrang boring, dahil imagine more than 3 hours kayong nagbabasa lang ng mga tanong, bawal ang lapis, calculator, cellphone, gadgets, relo at bawal ring umihi o lumabas sa mga oras na mag start na ang coaching. Kapag lumabas ka ay hindi ka na makakabalik pa sa loob ng room.

Hindi nagtagal ay nagkaroon narin ako ng mga kakilala at mga bagong kaibigan. Ito yung isa sa mga pinaka importanteng bagay na dapat meron ka habang nagrereview, lalo sa akin na nag-iisa lang na nag enroll sa review center na iyon mula sa AMA at wala naman akong kasabay o kakilala. Mahirap ang magpunta ka sa isang lugar na wala ka man lang ni isang kaibigan, dahil wala kang mapagtatanungan o makakausap man lang. Yung mga unang linggo ko habang ako nag rereview ay naging maayos naman, dahil nakakasunod naman ako sa mga lectures, pero may mga time na nalilito rin ako minsan, lalo na at may mga bagong concepts na tinuro na ni minsan ay hindi ko pa na eencounter noon. May mga time din na maririnig mong mabibilis sumagot yung mga kaklase mo at parang alam na alam na nila ang lahat kahit hindi na sila mag review center. Sa time na ito ay mararamdamang mong maraming mga studyante ang mas magagaling at mas advance pa sayo. Parang nakaramdam ako ng konting inferiority complex at alam ko sa sarili ko na marami pa talaga dapat akong aralin at matutunan sa review. Bawat araw ay nirereview ko agad yung mga tinuro, dahil mas effective daw ito, habang fresh pa sa utak mo yung mga lectures. Hindi kasi ako nag susulat habang nag lelecture dahil pinipicturan ko na lang yung mga nakasulat sa board, para mas makasunod ako sa mga discussions. Pag-uwi ko ng bahay ay agad kong inaaral lahat at nililipat ko lahat sa notebook para mas madali kong ma scan ung mga lectures pag naghanap ako. Yung klase ko ay weekdays, from 8 am to 12 noon. Kaya pag katapos kong kumain ng tanghalian ay nagrereview agad ako hanggang 12 ng madaling araw. Oo as in 12 hours pa akong nagrereview nung una, dahil sa sobrang ganado at pursigido pa ako, at isa pa ay ayaw kong magpabaya. Alam kong hindi advisable ang ganung oras ng pagrereview, pero sanay kasi ako sa mga gawain na pangmatagalan dahil nga sa aking trabaho dati. Nung nag announce magkakaroon ng mga weekly exam ay nagreview agad akong mabuti yung mga notes ko. Sabi ko pa noon sa sarili ko ay reading ready na ako sa weekly exam. Kaya yung dumating yung unang araw ng weekly exam ay ganado ako. Kaso hindi pala ganoon kadali yung mga weekly exam, dahil ang hihirap talaga ng tanong. Kaya nung lumabas yung resulta ay agad naming tinignan ng mga kasama ko yung scores na nakapaskil sa may bulletin board. Ayun nga lahat kami ng mga kasama ko ay hindi nakapasa sa unang weekly exam, kalahati lng yung score naming lahat. Samantalang yung mga ibang taong nakapaligid sa amin ay nag totop notcher pa. Yung mga sumunod na weekly exam ay ganoon ulit ang naging resulta. Kaya lalo pa naming ginalingan at binilisan ang pagrereview. Hanggang sa dumating yung araw na may mga pumapasa na sa amin ng mga kaibigan ko.





No comments:

Post a Comment

Piso o Bayan?

Piso o bayan? Botohan na naman pala, sa ika trese ng Mayo. May napili ka na bang kandidato?  Gaano ka ba kaya kasigurado? N...